MANILA, Philippines – Timbog ang isang lalaki na sangkot umano sa pagbebenta ng ilegal na droga nang maaresto sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City.
Kinilala ni P/Lt. Sherwin Dascil, OIC chief ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela Police ang naarestong suspek na si alyas “Andy”, 56, ng Fortune 4, Brgy., Parada.
Ayon kay Lt. Dascil, ikinasa nila ang buy bust operation laban sa suspek, sa koordinasyon sa PDEA makaraan ang natanggap nilang impormasyon hinggil sa pagtutulak umano nito ng ilegal ng droga.
Dakong alas-3:30 ng madaling araw nang makipagtransaksyon umano ang suspek sa isang undercover police na nagpanggap na buyer sa Fortune Village 4, Brgy. Paso De Blas, na naging dahilan ng kanyang pagkakaaresto.
Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 15 grams ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P102,000, buy bust money na isang tunay na P500 bill, Kasama ang pitong P1,000 boodle money at P200 recovered money.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Rene Manahan