Home OPINION SUSI SA KAHANDAAN AT PAGBANGON MULA SA KALAMIDAD

SUSI SA KAHANDAAN AT PAGBANGON MULA SA KALAMIDAD

273
0

HINDI na bago sa atin ang pagdaan ng mga bagyo. Taon-taon tayong sinusubok ng malalakas na hangin, walang tigil na ulan, bantang pagbaha at pagguho ng lupa.

Ngunit sa kabila ng mga anunsyo mula sa mga awtoridad at pagiging pamilyar nating mga Pilipino, nakababahala na marami pa rin sa ating mga kababayan ang laging huli o kaya naman ay kinukulang sa pagbibigay pansin ang mga kaukulang paghahanda. Ang kooperasyon para makontrol ang panganib na maaaring likhain ng bagyo ay hindi lamang tungkulin ng pamahalaan—ito ay responsibilidad rin ng bawat mamamayan.

Una, ang tamang impormasyon ang unang depensa. Hindi sapat ang makarinig lang ng balita. Kailangang maunawaan ang ibig sabihin ng signal warnings.

Ang signal No. 1 ay hindi ibig sabihin na maaari nang magsawalang-bahala. Ito ay paalala na may paparating na panganib. Kapag tumataas ang signal, dapat din nating itaas ang antas ng paghahanda tulad ng pag-charge ng cellphone, pag-iimbak ng tubig at pagkain, pagtiyak na may flashlight, radyong de-baterya, first aid kit,Go-bag at iba pa.

Ikalawa, mahalagang alamin ang tibay ng istruktura ng bahay. Siliping muli ang mga bubong, kumpunihin ang bawat butas o sira, at siguraduhing walang maluwag na yero at materyales sa bakuran na maaaring liparin ng hangin.

Para naman sa mga nakatira sa tabing-ilog, tabing-dagat, o paanan ng bundok, dapat ding alamin kung paano isasagawa ang evacuation plan. Mas mainam nga na habang wala pang bagyo ay pinaghuhuntahan ang mga ganitong bagay ng bawat miyembro ng pamilya upang mas lalo silang maging pamilyar. Para mas maintindihan nila na hindi kahinaan ang paglikas kundi isa itong susi ng karunungan o ‘smart way to survive’,’ika nga.

Ikatlo, ang komunidad ang susi sa mabilis na pagbangon. Napakahalaga ang pagtutulungan ng magkakapitbahay para agarang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan. Ang kooperasyon sa peace and order at pagbibigayan ay nakapagpapagaan ng mga alalahanin. Mas madaling isulong ang programa ng barangay at nasyonal kung ang lahat ay nagkakaisa.

Napakalaking puntos ang bawat paghahanda bago pa man mag-landfall ang bagyo, habang humahagupit, at lalo na sa pag-alis nito para maging ligtas, makabangon at makatuloy ang lahat sa ating pamumuhay.

Sa huli, dapat laging tatandaan na ang kaligtasan ay hindi nakukuha sa tapang, kundi sa tamang paghahanda, pagkakaisa at pagmamalasakitan. Hindi natin kayang pigilan ang bagyo, ngunit kaya nating kontrolin o bawasan ang mga panganib at pinsala nito.

Ang tunay na lakas ng Pilipino sa gitna ng kalamidad ay hindi nasusukat sa kung gaano katibay ang istruktura ng bahay, kundi kung gaano katatag ang ating paniniwala sa Diyos, pagsunod sa awtoridad, pagkakaisa ng komunidad at kooperasyon ng bawat miyembro ng pamilya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here