BAGAMAN hayagan nang “kalaban” ng administrasyon, maganda ang panukala ni Navotas Rep. Toby Tiangco na suportahan ang kanyang panukala sa House Bill 5699 na gawin nang permanenteng institusyon ang ‘Independent Commission for Infrastructure’ at tatawagin na itong ‘Independent Commission Against Infrastructure Corruption.
Bagaman maganda ang intensyon ni Pangulong Bongbong Marcos na mapabilis ang imbestigasyon sa bilyones na ‘flood control project scam’ mahubaran ang mga korap at maparusahan nang buuin niya ang ICI nitong Setyembre (EO 94), “tigreng papel” lang ito sa paningin ng karamihan.
Sa ganang atin, mainam para sa Palasyo na bigyang-pansin ang panukala ni Tiangco at huwag dedmahin dahil “kalaban” ang nagpanukala nito.
Naniniwala kasi tayong sinsero si Tiangco na makatulong at kung totoong seryoso rin ang Palasyo, walang problema kung kanino man nanggaling ang panukala, hindi ba, mga kabayan?
Kung idadaan naman sa Kongreso, kahit pa gawin itong ‘priority bill’ ng Malakanyang, “mahina” rito ang anim na buwan bago maging isang batas.
Samantala, patuloy na nagbabantay– at naiinip ang taumbayan– sa proseso ng mga imbestigasyon. Aber, kung hindi sila “nabuburyong” hindi na sana magkakaroon pa ng mga protesta ngayong buwan at sa mga susunod na araw.
“Maliit na boses” lang tayo mga kabayan pero, kung gusto ng Malakanyang na mabigyan ng kredibilidad ang ICI sa kasalukuyan, walang masama na amyendahan ang EO 94 at bigyang diin na sa imbestigasyon sa flood control scam, isa lang– ang ICI– ang “kukumpas” sa buong Ehekutibo.
Translation? Pansamantalang isailalim sa ICI ang iba pang mga ahensya ng gobyerno, tulad ng Department of Justice, Philippine National Police, National Bureau of Investigation at iba pa habang iniimbestigahan ang iskandalo at hanggang maisampa ang mga kaso sa Ombudsman.
Mainam din na bigyan na ni PBBM nang sariling pondo ang ICI– P500 milyon agad– upang matigil ang hinala na kaya “atubili” itong magpursige sa imbestigasyon ay dahil “nakadede” sa Palasyo para sa panggastos nito.
Ano sa tingin ninyo, mga kabayan?






