Home OPINION KAMATAYAN SA BAHA, LANDSLIDE SILIPIN NA

KAMATAYAN SA BAHA, LANDSLIDE SILIPIN NA

279
0

ISANG araw makaraang manalasa ang super bagyong Uwan, iniulat ng National Disaster Risk Reduction Management Council at Office of Civil Defense na may 4 na nasawi at sa susunod na araw, 18 na at kahapon, 25 na.

Maaaring hindi pa tapos ang pagbibilang, mga brad, dahil marami pang lugar ang walang komunikasyon sa mga awtoridad na karaniwang nag-aanunsyo nang opisyal dito.

Isipin na lang, sinasabi ng National Grid Corporation of the Philippines na 10 araw ang bibilangin bago nito maibalik lahat ng linya ng kuryente nito habang nasa 20 araw ang pagbabalik ng iba’t ibang electric cooperative.

Marami ring lugar ang hindi pa rin maabot dahil sa mga sirang kalsada, tulay at iba pang daanan at sa mga rumaragasang baha para makontak ang lahat ng nasalanta.

Dito, alam ng lahat na buwan o taon ang pag-repair sa mga kalsada o tulay at wala namang sapat na helikopter para gamitin sa mabilis na komunikasyon at pangangalap ng mga balita.

Kung meron man, nagka-crash naman at namamatay ang mga piloto at pasahero nito gaya ng nangyari sa Philippine Airforce helicopter sa Agusan del Sur kaugnay ng bagyong Tino.

Karaniwan namang hindi na ipinamamalita ang mga namamatay sa mga teritoryo ng mga rebelde.

Gayunman, sana hindi aabot sa 224 ang patay gaya ng sinapit ng mga taga-Visayas at Mindanao na hinagupit ng bagyong Tino.

Lumalabas na landslide o pagguho ng mga lupa ang pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga biktima kay Uwan at lunod naman sa Cebu at iba pang lugar sa Kabisayaan ang ikinamatay ng nakararami sa bagyong Tino.

May nasimulan nang mga imbestigasyon ukol sa mga pagbaha at landslide.

Pero dapat nakatuon ito sa pagpapanagot sa mga may sala, kung mayroon man, at rehabilitasyon at hindi sa sisihan at pulitika na nakaangkla sa halalang 2028, kung magkakaroon man.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here