Home OPINION 21% BOBO, 22% GUTOM, 22 KLASRUM

21% BOBO, 22% GUTOM, 22 KLASRUM

386
0

ONLY in da Pilipins lang kaya ang mga datos na ito?

Nakaririndi at nakalulungkot ang mga nagaganap sa Pilipinas kong mahal dahil sa numerong 21 at 22 na umiiral sa mahahalagang bahagi ng ating lipunan.

21-22% BOBO

Akalain mo, 21% o halos 22% ang bobo o functionally illiterate sa mga senior high school graduate ngayon, ayon kay Senator Sherwin Gatchalian.

Ang masakit, hindi lang basta porsyento lang ‘yan, ha, kundi halos 19 milyon.

Inamin din ito mismo ng Philippine Statistics Authority at nakabatay ito sa sarili nitong Functional Literacy, Education and Mass Media Study.

Ang sukatan, ayon kay PSA Adrian Cerezo, assistant national statistician, ay ang bagong pananaw na dapat marunong magbasa, magsulat, magkwenta at umintindi ng binabasa ang mga mamamayan upang maituturing silang functionally literate o hindi bobo kundi bright.

Ang masama pa, may 5.9 milyon ding hindi marunong magsulat, magbasa at magkwenta at kung kaya man nila ito, hirap silang ilapat ito sa pang-araw-araw na buhay gaya ng pag-aaplay sa trabaho o paghahanap ng gusto nilang hanapin na serbisyo ng gobyerno sa website.

Sayang ang napakalaking bahagi ng populasyon ng Pinas na 22M na bobong senior high school grads at halos 28M kung isasama ang 5.9M na higit na bobo.

Anyari sa First Class o World Class na edukasyon sa Pinas na laging binabanggit ng mga guest speaker at mga principal tuwing graduation exercises?

22% NAGUGUTOM

Ayon naman sa pinakahuling sarbey ng Social Weather Station, may 22% sa mga Pinoy ang nagsasabing sila’y nakararanas ng involuntary hunger o talagang walang makain sa isang araw sa loob ng nakaraang tatlong buwan.

Noong panahon ni ex-President Noynoy Aquino, nadatnan nito ang 19.5% o bilang ng nagugutom at lumiit ito sa nasa 14% noong 2015 at lalong lumiit sa 13% noong 2016.

Sa panahon ni ex-President Digong, mula sa 14%, tumaas ito sa 21% dahil sa Covid-19 pandemic at lumiit ito sa 8.8% noong Disyembre 2019 ngunit tumaas nga sa 21% noong panahon ng pandemya.

Pagdatin ng 2021, naging 16.8% at noong bumaba siya sa pwesto noong 2022, 11.6% na lang na siyang nadatnan ni Pang. Bongbong Marcos.

Noong 2023 na panahon na ni Marcos, lumiit pa ng kaunti ang nagugutom sa 10.7% ngunit pagdating ng 2024, lumundag ang bilang sa 20.2%; lalong tumaas ito sa 27.2% noong Marso at humupa na nga ngayon sa 22%.

Anyare at nagkaganito sa kabila ng P20 kada kilong bigas na tataas sa P22 (22 na naman) kada kilo pataas kung kukuha at magbenta ang mga local government unit?

22 CLASSROOM SA 2025

Tumindig ang balahibo ng lahat ng iulat ng Department of Public Works and Highway na 22 silid aralan o klasrum lang ang nagawa nito sa buong taong 2025.

Anak ng pitong putakte, anyare?

Bakit inaprub sa national budget 2025 ang P450 bilyon para sa guni-guni, substandard at hindi tapos na may doble-pondo sa mga flood control project at 22 klasrum lang ang nagawa na may kulang-kulang sa P2M o P44M lang kada klasrum?

Kung mamalasin nga naman tayo simula noong 2022!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here