MANILA, Philippines – Nanatiling malakas ang Tropical Depression Uwan habang kumikilos ito sa karagatang silangan ng Taiwan, ayon sa PAGASA nitong Huwebes ng madaling-araw.
Huling namataan ang sentro ng Uwan sa layong 305 kilometro sa hilaga ng Itbayat, Batanes, taglay ang lakas ng hanging 55 kilometro bawat oras at bugso na hanggang 70 km/h, habang kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 25 km/h.
Walang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal, ngunit babala ng PAGASA, maaaring maranasan ang “paminsan-minsang malalakas hanggang sa bugso ng hanging may lakas ng bagyo” sa Batanes at Babuyan Islands dahil sa outer rainbands ng Uwan.
Pinapayuhan din ang mga mangingisda at maliliit na sasakyang pandagat na mag-ingat dahil sa maalon hanggang katamtamang karagatan.
Dagdag ng ahensya, “magpapatuloy sa hilagang-silangang direksyon si Uwan patungong katimugang bahagi ng Ryukyu Islands at inaasahang hihina ito sa loob ng 12 oras.” RNT