Home NATIONWIDE 346 OFWs na biktima ng scam hubs sa Myanmar, nakauwi na sa...

346 OFWs na biktima ng scam hubs sa Myanmar, nakauwi na sa Pinas

309
0

MANILA, Philippines – Nakauwi sa Pilipinas ang 346 na overseas Filipino workers (OFWs) na biktima ng human trafficking at pinilit na magtrabaho sa online scam hubs sa Myanmar. Dumating ang grupo nitong Miyerkules sa NAIA Terminal 1, at ito ang pinakamalaking batch na na-repatriate mula Myanmar hanggang ngayon.

Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, nasa mabuting kalagayan ang mga OFWs at bibigyan ng psychosocial counseling, medical checkup, pinansyal na tulong, at tulong sa hanapbuhay.

“Hindi katanggap-tanggap… na bumalik sila sa anumang scam hub o ilegal na ruta ng migrasyon,” diin niya.

Kasama sa grupo ang 127 na opisyal na itinalagang biktima ng trafficking at 219 na nasa Mae Sot Immigration Facility sa Thailand. Susuriin ng IACAT, NBI, at PNP kung may mga facilitators o recruiters na sangkot.

Ani OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan, karamihan sa biktima ay naloko sa mga online job ads na nag-aalok ng mataas na sahod, ngunit pinilit sa cyber-scam operations sa mahigpit na kondisyon. May ilan din na nakalusot sa pamamagitan ng backdoor routes sa Palawan at Tawi-Tawi.

Nakikipag-ugnayan ang gobyerno sa Thailand at Myanmar para ituloy ang operasyon laban sa trafficking syndicates at tukuyin ang iba pang Pilipino na nai-trap sa scam compounds. Mula 2022, higit 1,900 Pilipino na ang na-rescue mula Myanmar, Cambodia, at Laos.

Binigyang-diin nina Cacdac at Caunan sa mga nagnanais magtrabaho sa ibang bansa ang paggamit ng opisyal na proseso ng DMW para sa ligtas na deployment. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here