MANILA, Philippines – Balak ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na bisitahin ang mga lugar sa Central Cebu, Cebu City, at Mandaue na apektado ng bagyo upang alamin kung bakit nabigo ang mga flood control projects sa kabila ng malaking pondo.
“Titingnan natin kung paano nangyari ang pagbaha sa kabila ng napakalaking budget na inilaan doon,” ani Rodolfo Azurin Jr., espesyal na tagapayo ng ICI. Ayon sa mga opisyal, umabot sa ₱26 bilyon ang nagastos para sa mga proyekto.
Itinalaga ang CIDG at NBI na kunin ang mga bid documents upang ihambing ng ICI sa aktwal na implementasyon ng mga proyekto.
Bahagi ito ng mas malawak na imbestigasyon sa anomalous flood control at infrastructure projects, na prayoridad ang 80 sa 421 na proyekto na may kaugnayan sa mga kontratistang binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Inanunsyo rin ni Azurin na na-postpone ang nakatakdang pagharap ni dating DPWH undersecretary Roberto Bernardo sa ICI at itinakda na sa Nobyembre 17 sa kahilingan ng kanyang abogado. RNT