NUEVA ECIJA, Philippines – Arestado ang isang 42-anyos na ginang nang mahulihan ng iligal na droga sa isinagawang anti-drugs buy bust operation ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit ng Talavera Police Station sa kanyang bahay sa Barangay San Miguel nitong Lunes.
Ayon sa report ni PLtCol. Rogelio L. Pacificar Jr., hepe ng Talavera Police Station, kay Nueva Ecija Police Provincial Office director, Col. Heryl “Daguit” Bruno, ang ginang na may asawa at residente ng nasabing lugar ay kabilang sa high value individual o HVI ng pulisya.
Sinabi ni Pacificar na matagal nang minanmanan ang suspek hanggang sa maaresto nitong Lunes nang bentahan ng isang sachet ng shabu ang isang operatiba ng SDEU na nagpanggap na buyer.
Bukod sa isang sachet ay nakarekober pa ang mga pulis mula sa ginang ng sampung pakete ng shabu at ₱1000 bill na ginamit na marked money.
Sa kabuuan, nasa 60 gramo ng shabu na nagkakahalagang P408,000 ang nakuha mula sa ginang.
Ang ginang ay nakapiit ngayon sa Talavera Police Station at sinampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act 9165. (MARINA BERNARDINO-SY)