MANILA, Philippines – Naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang kampo ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa upang hilingin na mag-isyu ng Temporary Restraining Order (TRO) para pigilan ang gobyerno na makipagtulungan sa International Criminal Court (ICC) ng pagpapaaresto laban sa kanya.
Sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Atty. Israelito Torreon, naghain ito ng very urgent manifestation para sa agarang interbensyon sa patuloy na koordinasyon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ICC.
Hiniling din ng kanyang kampo na ilabas ni Ombudsman Boying Remulla ang sinasabi nitong kopya ng ICC warrant at ipaliwanag kung paano at kanino niya ito nakuha.
Kasunod ito ng naging pahayag ni Ombudsman Boying Remulla na galing mismo sa isang credible source ang impormasyon ukol sa warrant of arrest ng senador kung saan sinabi pa niya na ang kopya ng warrant ay nasa kanyang cellphone ngunit hindi pa aniya ito opisyal.
Pero, ayon sa DOJ, wala pa itong natatanggap na opisyal na kopya ng nasabing warrant.
Kasama rin sa hiling ng senador na atasan ang DOJ at Department of Foreign Affairs (DFA) na magsumite ng nakasulat na certification sa loob ng 72 oras upang kumpirmahin o pabulaanan kung may natanggap o naipadalang ICC warrant sa pamamagitan ng mga official chanel ng gobyerno.
Ang manifestation ni Dela Rosa kaugnay ng nauna niyang petisyon kasama si dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa patuloy na kooperasyon ng Marcos administration sa international tribunal. Jocelyn Tabangcura-Domenden