MANILA, Philippines – Iginiit ni Vice President Sara Duterte nitong Huwebes na dapat isama si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa flood-control projects, dahil makikita na umano sa 2025 national budget ang “primary evidence” ng kapabayaan.
Matapos bisitahin ang mga binahang komunidad sa Cebu, binatikos ni Duterte ang pahayag ng Pangulo na hindi pa kasama si dating House Speaker Martin Romualdez sa mga kaso, sabay duda kung tunay na nabasa ni Marcos ang budget.
“Oh! Baka lang, hindi na naman niya binasa na sinabi niyang binasa ‘yung budget ng 2025,” aniya.
Tinukoy niya ang mga proyektong lumitaw sa General Appropriations Act na wala sa original na National Expenditure Program, bagay na tinawag niyang malinaw na indikasyon ng insertion.
“Makikita mo… pagdating sa GAB… at pagdating sa GAA… makikita mo ang daming project doon na wala sa NEP. Yun pa lang, ebidensya na yun,” sabi niya, at idinugtong na impluwensya ito ng pamunuan ng Kamara.
Giit ni Duterte, hindi dapat ma-exempt si Marcos dahil siya ang lumagda sa 2025 GAA.
“Dapat isali si Bongbong Marcos. Kasi siya ang pumirma ng 2025 GAA,” aniya, sabay diin na ang pirma ng Pangulo ang nagbibigay ng bisa sa paggastos.
“Lahat ng mga anomalya doon, kasama iyong pangulo,” dagdag pa niya.
Nang tanungin kung dapat bang managot si Marcos, matapang niyang tugon:
“Oo, pwede na niyang ikulong ang sarili niya… meron siyang malaking pagkukulang sa kanyang trabaho para sa ating bayan.”
Hinimok din niya ang mga imbestigador na tutukan ang paglipat mula NEP patungong GAA. “Ang pinakaebidensya natin dito ay ang 2025 budget,” aniya, at iginiit na malinaw na makikita ang “insertions” sa mismong dokumento.
Naglabas ng pahayag si Duterte habang lumalakas ang galit ng publiko sa umano’y substandard flood-control projects, kabilang sa Cebu kung saan nagsagawa ng mga protesta ang mga residente. Suportado niya ang mga kilos-protesta bilang paggamit ng karapatang magpahayag.
“Yes… Katungod na sa mga tawo… magpadayag sa ilahang kasuko,” ayon sa kanya. Santi Celario