MANILA, Philippines – Nagbabala ang Teachers’ Dignity Coalition (TDC) sa mga guro ng pampublikong paaralan laban sa phishing scams na tumatarget sa kanilang Department of Education (DepEd) email accounts ngayong paparating ang year-end bonus season.
Ayon sa grupo, tumataas ang bilang ng mga pekeng mensahe na nagmumukhang galing sa mga lehitimong institusyon tulad ng Land Bank of the Philippines (LBP), na humihikayat sa mga guro na i-verify ang kanilang account o i-update ang impormasyon sa pamamagitan ng hindi pamilyar na link.
Binanggit ng TDC ang kaso ni Mia Lozano, guro mula Rizal, na nawalan ng P230 matapos mabiktima ng pekeng Landbank verification email. “Mabuti na lang at hindi pa pumapasok ang aming year-end bonus at suweldo kaya P230 lang ang nakuha sa akin,” ani Lozano.
Ayon kay TDC Chair Benjo Basas, muling lumalala ang mga ganitong scam tuwing panahon ng bonus, na sinadya talagang targetin ang mga guro. Noong 2022, halos 100 guro ang nabiktima, na may pagkawala mula P5,000 hanggang higit P100,000.
Hinimok ng TDC ang DepEd at Landbank na maglabas ng advisory at palakasin ang seguridad sa online transactions, at pinaalalahanan ang mga guro na huwag i-click ang kahina-hinalang links, balewalain ang suspicious emails, at i-report ang phishing attempts sa tamang awtoridad. Dave Baluyot