MANILA, Philippines – Nawasak ng Bagyong Tino ang 253,455 kabahayan sa pitong rehiyon, kung saan 214,764 ang bahagyang nasira at 38,691 ang tuluyang nasira, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Huwebes.
Umabot sa ₱157.95 milyon ang pinsala sa agrikultura at ₱483.01 milyon sa imprastruktura. Ang bagyo ay nag-iwan ng 232 patay, 523 sugatan, at 125 nawawala, at patuloy pang bineberipika ang datos.
Tinatayang apektado ang 1.22 milyong pamilya o mahigit 4.2 milyong tao sa 7,918 barangay sa siyam na rehiyon, habang 62,611 pamilya ang nananatili sa 828 evacuation centers.
Nagdeklara si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng state of national calamity upang mapabilis ang relief, rehabilitasyon, at pagbangon ng mga apektadong lugar, kabilang ang mas mabilis na pag-access sa pondo para sa kalamidad, price control sa pangunahing bilihin, at pinadaling tulong ng gobyerno. Santi Celario