MANILA, Philippines – Isasaalang-alang na ng Estados Unidos ang labis na katabaan at pagkakaroon ng anak na may special needs sa pagtanggi ng mga immigrant visa, ayon sa cable mula kay Secretary of State Marco Rubio.
Ayon sa dokumento, susuriin ng mga embahada kung ang aplikante o ang kanilang mga dependents ay mangangailangan ng mahal at pangmatagalang pangangalaga na maaaring pumigil sa aplikante na magtrabaho.
Ang patakarang ito ay para sa mga nagnanais mag-migrate sa US at hindi para sa mga pansamantalang bisita.
Ayon kay State Department spokesman Tommy Pigott, layunin nitong tiyakin na hindi magiging pabigat sa mga nagbabayad ng buwis ang sistema ng imigrasyon.
Pinaigting din ng administrasyong Trump ang mahigpit na regulasyon sa visa, kabilang ang pagtukoy sa mga lumalabag sa US foreign policy, at pinalakas ang pagpapatupad ng batas para paalisin ang mga undocumented na migrante. Kasalukuyang nasa 40 porsyento ng populasyon ng US ang obese, isa sa pinakamataas sa mundo. RNT