Home METRO DFA nagbukas ng bagong authentication hub sa Tagbilaran

DFA nagbukas ng bagong authentication hub sa Tagbilaran

1
0

BOHOL, Philippines – Hindi na kailangang bumiyahe pa sa Cebu o Maynila ang mga residente ng Bohol at karatig-probinsiya upang magpa-authenticate ng mga pampublikong dokumento matapos buksan ang bagong Department of Foreign Affairs (DFA) Authentication Hub sa Alturas Mall noong Oktubre 30.

Matatagpuan sa ikalimang palapag ng mall ang pasilidad na naglalayong ilapit sa publiko ang mga serbisyo ng DFA at gawing mas madali at mabilis ang pagproseso ng mga dokumentong gagamitin sa ibang bansa.

Ang Alturas Tagbilaran ang ika-14 na Authentication Hub sa kabuuang 42 DFA Consular Offices sa buong bansa.

Magbibigay ito ng direktang authentication at apostille services para sa mga pampublikong dokumento tulad ng birth certificate, academic records at mga lisensyang inilabas ng Professional Regulation Commission (PRC).

Sa pagbubukas ng pasilidad, makatitipid na sa oras at pamasahe ang mga aplikante mula Bohol dahil hindi na nila kailangang pumunta sa mga tanggapan ng DFA sa Cebu o Maynila.

Ipinaliwanag ng DFA na pinatutunayan ng apostille ang pagiging tunay ng pirma, ang kapasidad ng taong lumagda sa dokumento at ang pagkakakilanlan ng selyo o stamp na nakakabit dito. Dahil dito, kinikilala ang mga pampublikong dokumento sa mga bansang kasapi ng Apostille Convention.

Inaasahan ding magsisilbi ang bagong pasilidad sa mga aplikante mula sa mga karatig-probinsiya, kabilang ang Leyte at Masbate.

Malaking tulong din ito sa mga overseas Filipino workers (OFWs), estudyanteng planong mag-aral sa ibang bansa, mga propesyonal at iba pang nangangailangan ng authenticated documents para sa trabaho, edukasyon at iba pang transaksiyon sa abroad. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here