MANILA, Philippines – Mayroong kabuuang 86 dating tagasuporta ng Abu Sayyaf Group (ASG) at New People’s Army (NPA) ang boluntaryong sumuko sa Zamboanga City, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Biyernes.
Sa bilang, 64 ang dating taga-suporta ng ASG habang 22 naman ang dating NPA supporters.
Naganap ang pagsuko sa RMFB-9 Battalion Headquarters sa Camp Col. Romeo A. Abendan, Zamboanga City, kung saan isinuko rin nila ang 19 rifles, 8 .38 revolvers, 3 shotguns, isang Uzi, isang .22 pistol, at 3 pampasabog.
Matapos magsumite ng allegiance oath, isinailalim sila sa documentation at interview. Ang lahat ng armas ay maayos na naitala at nakumpiska ng RMFB-9.
Sa ngayon, nasa pangangalaga ng RMFB-9 ang mga sumukong indibidwal para sa karagdagang proseso at tulong mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Katuwang sa operasyon ang iba’t ibang police units mula Zamboanga Peninsula, Zamboanga del Sur, Zamboanga del Norte, Zamboanga Sibugay, Sulu, Maritime Group 9, at BARMM police.
Samantala, iniulat din ng PNP na umabot sa P107 milyon ang kabuuang halaga ng nasamsam na smuggled cigarettes mula sa dalawang magkasunod na operasyon sa Sta. Cruz Island, Zamboanga City.
Ito ay kaugnay ng naunang ulat tungkol sa pagkakadakip sa pitong crew ng M/B Sophia Jayy at pagkakasamsam ng P21 milyon halaga ng sigarilyo.
Sa follow-up inventory, natuklasan sa Jungkung M/B Zhyryne ang mas malaking shipment na binubuo ng 800 master cases ng Soda Red at 382 master cases ng Soda Menthol, na nagkakahalaga ng P86.24 milyon.
Sa kabuuan, umabot sa 1,532 master cases ang nasabat mula sa dalawang sasakyang pandagat.
Ang operasyon ay naipatupad sa pamamagitan ng koordinadong seaborne patrol ng Zamboanga City police noong Nobyembre 12 sa karagatan ng Sta. Cruz Island. /Mary Anne Sapico