Home ENTERTAINMENT Lala Sotto, nag-flex ng accomplishment ng MTRCB!

Lala Sotto, nag-flex ng accomplishment ng MTRCB!

303
0

Manila, Philippines – Nasa 149,033 materyales sa pelikula at telebisyon ang nabigyan ng angkop na klasipikasyon ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) mula Enero hanggang Oktubre 2025.

Sa naturang bilang, 106,771 ang mga programa sa telebisyon, 39,188 ang TV plugs at trailers, 1,436 ang publicity at optical media materials, 1,062 ang movie trailers, at 576 ang mga pelikulang lokal at banyaga.

Bawat materyal ay sumailalim sa masusing proseso ng pagsusuri at klasipikasyon upang matiyak na ang mga ito ay umaayon sa mga istriktong pamantayan ng Ahensiya.

Pinuri ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto ang dedikasyon at propesyonalismo ng Board.

“Ipinagmamalaki ko ang kasipagan at propesyonalismo ng ating Board sa kanilang pagtiyak ng ligtas at angkop na klasipikasyon sa mga libu-libong materyales na dumaan sa kanilang hanay,” sabi ni Sotto.

Binigyang-diin niya ang dedikasyon ng Board na unahin lagi ang kapakanan ng mga batang manonood.

“Ang tagumpay na ito ay sumasalamin hindi lamang sa kahusayan ng ating Board, kundi pati na rin sa ating adbokasiya na protektahan ang mga manonood, lalo na ang mga batang Pilipino, at palakasin ang kaalaman ng mga magulang pagdating sa pagpili ng tama at responsableng panoorin para sa kanilang pamilya.”

Patuloy ang MTRCB sa pagtupad sa mandato nitong balansehin ang malayang pagpapahayag ng sining at ang kapakanan ng publiko, tungo sa maunlad na industriya ng paglikha sa Bagong Pilipinas. JP Ignacio

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here