MANILA, Philippines – Tumaas ang remittances na ipinadala ng overseas Filipinos noong Setyembre kasunod ng pagbaba na naitala noong Agosto.
Sa datos na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) nitong Lunes, Nobyembre 17, tumaas sa $3.121 bilyon ang cash remittances o mga perang naipadala sa pamamagitan ng bangko o formal channels.
Marka ito ng 3.7% na pagtaas mula sa $3.009 bilyon na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, at mas mataas sa $2.977 bilyon na naitala noong Agosto.
Nagdala ito sa year-to-date cash remittances na $26.030 bilyon, o tumaas ng 3.2% mula sa $25.226 bilyon sa comparable period ng 2024.
Nananatiling ang Estados Unidos ang pinakamalaking source ng remittances sa nine-month period sa 40.4%, sinundan ng Singapore sa 7.1%, Saudi Arabia sa 6.4%, at Japan sa 4.9%.
Naitala naman sa 4.8% ang cash remittances mula sa United Kingdom, United Arab Emirates sa 4.5%, Canada sa 3.5%, Qatar sa 2.9%, Taiwan sa 2.8%, South Korea sa 2.5%, at iba pang bansa sa 20.3%. RNT/JGC