MANILA, Philippines – Maghahain ng reklamo ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Ombudsman laban sa ilang lokal na opisyal na bumyahe palabas ng bansa sa pananalasa ng Bagyong Tino at Uwan.
Nauna nang inatasan ng DILG ang lahat ng elected at appointed local officials na suspendihin ang kanilang mga byahe abroad para paghandaan ang papalapit na bagyo.
Sa panayam, sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na iniimbestigahan na nito ang mga opisyal na sumuway sa kautusan.
“It’s almost complete. So, we will file the corresponding cases at the Ombudsman for the blatant violations they committed.”
Nang tanungin kung ilang opisyal ang kakasuhan, sinabi ng kalihim na mayroong 24 opisyal ang nahaharap sa reklamo kabilang ang ilang opisyal sa Cebu na lumipad patungong Europe para magbakasyon.
Partikular umanong isasampa ang reklamong abandonment of duty, gross neglect, at insubordination, ani Remulla.
Nang tanungin kung ano ang timeline ng paghahain, sumagot si Remulla na: “We’ll see. We’ll complete the investigation. We’re getting their return flights. It’s a very complicated process.”
“Whoever needs to be punished will be punished,” pagdidiin niya. RNT/JGC