MANILA, Philippines – Sa pagpapatuloy ng plenary debates ng Senado sa panukalang 2026 national budget, ipinakilala ito ni Senador Sherwin Gatchalian bilang “fiscally sound at socially responsive”, lalo na’t ₱1.38 trilyon ang inilaan para sa sektor ng edukasyon — ang pinakamalaking bahagi sa kasaysayan ng bansa.
Na-highlight din ang sektor ng kalusugan, kung saan itinaas sa ₱62.6 bilyon mula ₱53.3 bilyon sa National Expenditure Program (NEP) ang pondo para sa Zero Balance Billing Program, na magpapalawak ng access sa de-kalidad na serbisyong pangkalusugan.
Nakalaan ang ₱101.8 bilyon para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), na magpapalawak ng saklaw sa humigit-kumulang 500,000 na bagong near-poor households. Tinaasan din ng ₱8.2 bilyon ang Social Pension para sa Indigent Senior Citizens upang maisama ang 663,000 waitlisted beneficiaries, habang pinalakas ang Supplementary Feeding Program para maabot ang mahigit 1.8 milyong batang limang taong gulang pababa.
Para naman sa 2.3 milyong Overseas Filipino Workers (OFWs), dinoble sa ₱2.4 bilyon ang AKSYON Fund ng Department of Migrant Workers, mula sa ₱1.2 bilyon sa bersyon ng Mababang Kapulungan.
Pinalalakas din ang sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng karagdagang ₱500 milyon para sa pagtatayo ng Food Hubs, na magbibigay-daan sa mga magsasaka na direktang makapagtinda sa mga konsyumer at retailers upang mapalago ang kanilang kabuhayan.
“Masusi nating sinuri ang budget hanggang sa huling detalye para makabuo ng mga polisiyang ‘fiscally sound, socially responsive’, at makatao,” ayon kay Gatchalian, chairman ng Finance Committee.
Samantala, nabawasan ng ₱55.91 bilyon ang pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos matuklasan ang iba’t ibang ‘red flags’ sa ilang infrastructure projects. “Nakatuon tayo sa pagbabalik ng kung anong nawala tulad ng leadership, accountability, at transparency,” ani Gatchalian. Binigyang-diin niya na ang mga nagdaang pagkukulang ay bunsod ng malawakang korapsyon.
“Dahil hindi lang nakasalalay sa mga tulay, daan, at gusali ang pag-unlad, mahalaga rin ang seguridad ng ating mga komunidad,” ani Gatchalian, sabay banggit na ang defense sector ay may ₱385.97 bilyong pondo, ang pinakamataas na defensa allocation sa kasaysayan. Ernie Reyes