Home NATIONWIDE Palasyo sa mga politikong kinakaladkad sa anomalya: Magbitiw na ‘out of delicadeza’

Palasyo sa mga politikong kinakaladkad sa anomalya: Magbitiw na ‘out of delicadeza’

294
0

MANILA, Philippines – Pinayuhan ng Malakanyang ang ibang opisyal ng pamahalaan na maaaring sangkot sa maanomalyang flood control projects na ikonsidera ang pagbibitiw sa puwesto ‘out of delicadeza’ upang mabigyan ng pagkakataon ang isang malalimang imbestigasyon sa alegasyon.

Nauna rito, ikinanta ni dating Ako Bicol Partylist Representative Zaldy Co sina Executive Secretary Lucas Bersamin at Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah F. Pangandaman sa kontrobersiyal na maanomalyang flood control scandal.

Naniniwala naman si Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang boluntaryong pagbibitiw ng mga Cabinet members sa kani-kanilang posisyon ay makapagbibigay-daan para sa isang impartial investigation.

“Kung alam po, halimbawa, ng isang miyembro ng Gabinete na siya po ay may kinalaman o maaari siyang masangkot sa ganitong klaseng anomalya, nanaisin po ng Pangulo na sila po mismo ang mag-resign out of delicadeza,” ayon kay Castro.

“Kung anuman ang kaniyang (Co) mga nasabi, maaaring ito ang nagbigay ng dahilan para sa dalawang magigiting nating mga secretaries na sila mismo ang boluntaryong mag-resign sa kanilang posisyon para mabigyang-daan ang malalimang pag-iimbestiga sa mga maanomalyang flood control projects,” dagdag pa niya.

Nauna rito, mariing pinabulaanan ni Bersamin ang alegasyong may kinalaman ang kanyang opisina sa umano’y 15% commitment mula sa P2.85 bilyong halaga ng proyekto na gagamit ng unprogrammed funds ng pambansang budget.

Ayon kay Bersamin, walang anumang papel ang Office of the Executive Secretary (OES) sa mga alokasyon ng pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Batay sa pahayag ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo sa Senate Blue Ribbon Committee, tinawagan umano siya ni Undersecretary Trygve Olaivar upang talakayin ang mga proyekto at humiling ng listahan na nagkakahalaga ng P2.85 bilyon.

Giit ni Bernardo, may kasunduan umanong 15% na ibinibigay kay Olaivar kapalit ng Special Allotment Release Order na inilabas para sa mga proyekto.

Iginiit naman ni Bersamin na hindi kailanman nakipagtransaksyon ang kanyang tanggapan kina Bernardo o Olaivar, at nanindigan siya sa kanyang malinis na record bilang matagal nang naglilingkod sa gobyerno.

Sa kabilang dako, mariing itinanggi ni Pangandaman ang alegasyon ni Co laban sa kanya.

Nagbitiw naman sa kanyang posisyon si Presidential Legislative Liaison Office Undersecretary Adrian Bersamin, na tinanggap din ng Pangulo. Ang batang Bersamin ay idinawit din ni Co sa nasabing alegasyon.

Nagbitiw ang batang Bersamin ‘out of delicadeza.’

“Wala naman talagang dapat ma-exempt. Pero ang Pangulo alam po niya ang kaniyang ginagawa. Alam po niya kung bakit niya pinaiimbestigahan at pinangunahan ang malalimang pag-iimbestiga na ito,” ang sinabi ni Castro.

“So ibig sabihin po, kung siya mismo ang nag-utos na mag-imbestiga, alam po natin na malinis ang kaniyang hangarin at gusto niya talagang masawata ang korapsiyon,” dagdag na pahayag ni Castro. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here