VALENZUELA, Philippines – Higit sa P.4 milyong halaga ng shabu ang nasabat mula sa isang High Value Individual (HVI) na tulak matapos maaresto sa isinagawang buy bust operation ng pulisya kagabi sa Valenzuela City.
Sa report na nakalp mula sa tanggapan ni Valenzuela Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) OIC chief P/Lt. Sherwin Dascil si alyas “Jeff”, 43, ng Brgy., Gen T De Leon ng lungsod ay nadakip ng dakong alas-11:00 ng gabi sa Que Balag Street, Brgy. Ugong.
Humigi’t kumulang sa 60 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P408,000, buy bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at pitong P1000 boodle money, coin at P600 cash ang nakumpiska mula sa suspek.
Nag-ugat ang pagkakaaresto sa suspek makaraang makatanggap ng impormasyon ang SDEU hinggil sa umano’y ilegal drug activities nito kaya agad siyang bumuo ng team bago ikinasa ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA.
Nang matanggap umano ang signal mula sa kanyang kasama na umaktong poseur buyer na hudyat na positibo na ang transaksyon, agad lumapit ang back up na operatiba saka inaresto ang suspek.
Kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isasampa laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutors Office. (Merly Duero)