MANILA, Philippines – Hindi magpapadala ang Malakanyang sa hamon at pag-uudyok ng mga maiingay na muling sumailalim sa hair follicle test si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., para mapatunayan lamang sa publiko na negatibo siya sa paggamit ng ilegal na droga.
“Yes. Uulitin natin, paulit-ulit, uulit-ulitin natin, hindi po tayo magpapadala kung ano ang sinasabi ng mga maiingay. Matagal na po itong naresolba,” ayon kay Castro.
“Uulit-ulitin ko, paulit-ulit, ang Pangulo po ay malinis at ang Pangulo po ay hindi magpapadala sa anumang pag-uudyok: pag-uudyok ng mga destabilizers, pag-uudyok ng mga obstructionists na walang gagawin kundi magbigay ng mga kondisyon, magbigay ng pag-uutos sa Pangulo kahit hindi na po ito naaayon sa kaniyang pagtatrabaho,” dagdag na pahayag ni Castro.
Nauna rito, hinamon ng senadora ang First Family na magpa-hair follicle test ang mga ito para patunayan na mali ang kanyang alegasyon habang handa naman siya (Imee Marcos) na sumailalim sa DNA test.
Ito kasi ang iminungkahing solusyon ni Senador Imee Marcos kaugnay sa naging sagot ng pamangkin niyang si Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos sa sinabi niyang gumagamit umano ng droga ang kapatid niyang si Pangulong Bongbong Marcos Jr.
“Gustong paingayin ni Sandro ang usap-usapang hindi ako tunay na kapatid,” saad ni Sen. Imee sa kaniyang latest Facebook post.
“Isa lamang ang solusyon: Magpapa-DNA test ako, magpa-hair follicle test sila,” dagdag pa niya.
Matatandaang tahasang sinabi ni Sen. Imee sa kilos-protesta ng Iglesia Ni Cristo (INC) noong Lunes, Nobyembre 17, na gumagamit diumano ng droga ang pangulo.
Bukod dito, nabanggit din ni Sen. Imee ang misis ni PBBM na si First Lady Liza Araneta-Marcos at si Sandro.
Bagay na pinabulaanan mismo ni Sandro nitong Martes, Nobyembre 18.
“Sa lahat po ng binanggit ni senadora, walang basehan, walang katotohanan, at walang magandang idudulot sa bayan,” ani Sandro sa isang pahayag. (KRIS JOSE)