MANILA, Philippines – “Kailangan pa po bang i-memorize ito?”
Ito ang tugon ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro nang hingan ng reaksyon sa patuloy na panawagan ng mga kaalyado ni Vice President Sara Duterte na magbitiw na sa puwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Lahat naman yata ng supporter ng Bise Presidente ang nais ay paalisin sa puwesto ang Pangulo. Bakit? Para pumalit ang Bise Presidente. So, option ba ito? The President is still working and keeps on working for the country. So, hindi po option sa administrasyon, sa Pangulo ang pagbibitiw. Ang Pangulo ay matapang na haharapin kung anuman ang suliranin ng bansa at silang mga nag-iingay, sila ay ingay lamang,” ayon kay Castro.
Sa kabilang dako, hindi naman nakikita ng Malakanyang na nagbo-boomerang kay Pangulong Marcos ang usapin ng maanomalyang flood control projects kahit pa sabihin na siya ang nagpasimuno ng pag-iimbestiga nito.
“Hindi po natin nakikitang nagbu-boomerang ito. pero ito ang nais ipakita ng mga propagandista, mga destabilizes para mailihis ang issue tungkol sa talagang nasasabing sangkot dito – mga sangkot na nais na makaligtas at makalusot dahil kapag nawala ang Pangulo sa kaniyang puwesto, malamang muli magiging maligaya ang mga nasasabing sangkot dahil ang susunod na liderato, ipagpapatuloy kaya itong paninindigan ng Pangulo na sawatain at puksain ang korapsiyon?,” ang litaniya ni Castro. (KRIS JOSE)