MANILA, Philippines — Umakyat sa P88.5 milyon ang net worth ni Vice President Sara Duterte hanggang Disyembre 31, 2024, katumbas ng P17.45 milyong pagtaas mula nang maupo siya noong Hunyo 2022, ayon sa mga dokumentong nakuha ng GMA Integrated News Research.
Nang manungkulan noong Hunyo 30, 2022, idineklara ni Duterte ang P71,058,841 na net worth, na binubuo ng P50.96 milyon sa real properties nila ng kaniyang asawang si Manases Carpio at kanilang mga anak, at P23.85 milyon sa personal na ari-arian. Mayroon din siyang P3.75 milyong personal loan.
Pagsapit ng katapusan ng 2022, bahagyang tumaas ang kaniyang net worth sa P71.66 milyon, habang bumaba ang kaniyang loan sa P3.15 milyon.
Lumago pa ito sa P77.51 milyon noong 2023 matapos umakyat sa P54.81 milyon ang kaniyang real properties dahil sa pagbili ng residential land at bahay, at bumaba ang personal loan sa P2.55 milyon.
Sa 2024 SALN, naitala ang pinakamalaking pag-angat, na umabot sa P88,512,370.22, kasunod ng pagtaas ng kaniyang real properties sa P66.81 milyon matapos bumili ang kaniyang asawa ng dalawang lote na nagkakahalaga ng P12 milyon.
Umakyat din ang personal assets niya sa P31.65 milyon.
Gayunman, kumuha si Duterte ng P8 milyong loan noong 2024, dahilan para umabot sa P9.95 milyon ang kaniyang liabilities kahit pa bumaba ang nauna niyang personal loan. RNT