MANILA, Philippines — Iniulat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mayroon siyang P389.357 milyon na net worth sa kaniyang 2024 Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), ngunit mas mataas ang inilabas na tantya ng isang pribadong kompanya na nagkakahalaga ng P1.375 bilyon.
Base sa mga dokumentong nakuha ng GMA Integrated News Research, nagsumite si Marcos ng appraisal mula sa Cuervo Appraisers Inc., na naglagay ng mas mataas na halaga sa kaniyang yaman kumpara sa deklarasyong sumusunod sa patakaran ng Civil Service Commission (CSC).
Ayon sa Pangulo, ang P389 milyon ay alinsunod sa CSC rules, habang ang P1.375 bilyon ay nakabatay sa appraisal ng Cuervo.
Sa deklarasyon, ayon sa CSC, mayroon siyang P142.026 milyon sa 21 real estate properties at P247.332 milyon sa personal na ari-arian, kabilang ang P38.7 milyon na cash, P134.192 milyon na investments, 12 sasakyan, alahas, at 126 paintings mula kina Fernando Amorsolo, Jose Joya, BenCab, Arturo Luz, pati isang obra ni Jose Rizal.
Ang pinakamahal na painting ay tinaya sa P19 milyon. Wala siyang idineklarang liabilities.
Makikita rin sa kaniyang mga SALN na mula nang maupo siya noong 2022, tumaas ang kaniyang deklaradong net worth mula P329.229 milyon hanggang P389.357 milyon sa 2024 — pag-angat na P60.128 milyon.
Samantala, umakyat naman ang appraised value ng kaniyang assets mula P908 milyon noong 2022 hanggang P1.375 bilyon noong 2024. RNT