MANILA, Philippines – Inakusahan ni Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste nitong Miyerkules, Nobyembre 19 si CWS party-list Rep. Edwin Gardiola sa umano’y pre-ordering ng P20 bilyong halaga ng kontrata sa Department of Public Works and Highways (DPWH) bago pa maisabatas ang P6.325 trilyong 2025 national budget.
Ang mga alegasyon ni Leviste ay batay umano sa listahan na may petsang August 30, 2024 na nakuha mula sa opisina ni dating DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral.
Aniya, kabilang sa listahan ang mga alokasyon para sa mga sumusunod na proyekto sa Batangas First District, na nirerepresenta ngayon ni Leviste sa Kongreso:
P514.25 million para sa mga kalsada sa in Tuy, Batangas na iginawad sa Readycon Trading at Construction Corporation (Readycon); at P280 million para sa mga kalsada sa Calatagan, Batangas na iginawad sa S-Ang Construction & General Trading, Inc. (S-Ang)
Ang CWS (Construction Workers Solidarity) party-list, na inirerepresenta ni Gardiola, ay umano’y may adbokasiya para sa kapakanan ng mga construction worker at kanilang mga pamilya.
“While S-Ang is owned by members of Gardiola’s family, Readycon is not, but the project was proposed by and implemented for Gardiola, according to officials of the DPWH and Gardiola himself,” ani Leviste.
“This (piece of) evidence could be the missing link for the Independent Commission for Infrastructure (ICI) and the Ombudsman to establish that Gardiola made arrangements to rig bids in the DPWH,” dagdag pa ni Leviste.
Batay sa pagreresearch ng kanyang opisina, ang mga kompanyang nakapangalan sa kapamilya ni Gardiola ay mayroong tinatayang P42 bilyong proyekto mula sa DPWH ang napanalunan nito mula 2001 hanggang 2025.
Nasa 1/3 ng government contracts sa First District ng Batangas ang naigawad sa mga kompanya na kung saan ang mga opisyal nito ay tinukoy bilang kapamilya ni Gardiola.
Bumisita naman ang mga miyembro ng ICI sa opisina ni Leviste sa Kongreso para sa naturang listahan bilang bahagi ng kanilang imbestigasyon.