MANILA, Philippines – Wala sa kamay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pagpili ng bagong liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ito ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang bilang tugon sa tanong kung may kamay ang Pangulo sa balasahan din sa Kongreso kung saan napaulat na di umano’y papalitan ni House Deputy Speaker Ronaldo Puno si Isabela Rep. Faustino “Bojie” Dy III.
“Ang pagpili po kasi ng liderato ng Kongreso ay wala naman po sa kamay ng Pangulo. Kung ano po ang kanilang magiging desisyon diyan, kung ano ang kanilang pagiging pagpapatakbo diyan hindi po iyan saklaw ng Pangulo. So, nasa kanila po iyan kung ano po iyong nais nilang gawin sa House of Representatives.
At sa tanong kung may impluwensiya ang Pangulo sa kung sino ang puwedeng ilagay niya bilang House Speaker, sinabi ni Castro na “Wala po akong nakikita at wala pong ganoon.”
Sa ulat, mariing itinanggi ni Cong. Puno na papalitan na nya si Rep. Dy bilang kasalukuyang House Speaker.
Tugon ito ni Puno makaraang kumalat sa social media ang impormasyon na magkakaroon muli ng pagbabago sa liderato ng Kamara ngayong 20th congress.
Diin ni Puno, nananatili ang suporta nya kay Speaker Dy at sa pamamahala nito sa Kamara.
Si Dy ay nito lamang Setyembre iniluklok bilang pinuno ng Kamara ng bumaba si Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez bilang dating House Speaker sa gitna ng mainit na isyu ng maanomalyang flood control projects at insertions sa National Budget. (KRIS JOSE)