Home TOP STORIES Pananakot sa mamamahayag, kinondena ni Ridon

Pananakot sa mamamahayag, kinondena ni Ridon

248
0

MANILA, Philippines – Nagpahayag ng matinding pagkabahala si Congressman Terry Ridon kasunod ng mga ulat hinggil sa umano’y banta ng negosyanteng si Julie “Dondon” Patidongan laban sa isang TV reporter na nagko-cover ng kaso ng mga nawawalang sabungero.

Batay sa isang viral na recording sa social media na nagpapakita umano ng pag-uusap nina Patidongan at isang TV5 reporter, maririnig ang tinutukoy na lalaki na nagsasabing dapat “ingatan ang buhay” ng ABC-5 correspondent Gary de Leon, matapos umanong kwestyunin nito ang pagiging patas ng ulat hinggil sa kaso.

Ayon sa ilang source, ang nasabing audio ay kuha sa isang panayam na nauwi sa mainitang palitan ng salita. Hindi pa independiyenteng napapatunayan ang pinagmulan at kabuuang konteksto ng recording.

Giit ni Ridon, anumang uri ng banta — totohanin man o hindi — laban sa mamamahayag ay seryosong usapin.

 “Ang anumang banta sa media ay banta sa katotohanan at dapat itong tugunan ng Kongreso,” ani ng mambabatas.

Dagdag pa niya, press freedom ang nakataya sa ganitong mga insidente.

Samantala, kinondena na ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang ulat at iniulat na nila ito sa Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS), na nagsabing magsasagawa sila ng masusing imbestigasyon.

Ayon pa kay Ridon na “ang trabaho ng media ay magsiwalat ng katotohanan, lalo na sa mga sensitibong kaso. Hindi sila ang dapat tinatakot.”

May ilang mamamahayag na nakakakilala kay De Leon ang nagpahayag ng pag-aalala para sa kanyang kaligtasan, lalo na matapos kumalat ang recording online.

Sa ngayon, hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag si Patidongan hinggil sa umano’y naganap na pag-uusap at sa mga alegasyon ng pagbabanta. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here