NAGING matagumpay ang malawakang kilos-protesta ng Iglesia Ni Cristo at ng iba pang sektor laban sa malalang katiwalian sa gobyerno. Sa gitna ng mga alegasyon ng kickback, kaliwa’t kanang iskandalo, kasama na ang mga pagtatangkang ilihis ang usapin mula sa mga dapat managot, naging matatag ang paninindigan ng mga dumalo.
Marami ang nagtangkang balewalain, maliitin, o lagyan ng kulay ang rally. Kesyo may pulitika raw, may agenda raw, may hidden hand daw. Pero ang tanong: sino ba ang natatakot sa isang protesta na ang hiling lang naman ay katotohanan at pananagutan? Sino ba ang nanginginig kapag naririnig ang salitang “imbestigasyon,” “audit,” o “flood control projects”?
Siguradong hindi ang INC. Hindi rin ang taumbayan. Dito naging malinaw na hindi na nadadala ang mga tao sa script at sarswela ni dating Speaker Martin Romualdez at kanyang mga alipores.
Basag na basag ang kanilang narrative sa mga naging pasabog ni dating Congressman Zaldy Co. Diretsong sinabi ni Co na inutusan siya ng Palasyo na magpasok ng P100 bilyong budget insertion sa national budget, at mula rito’y may 25% na kinubra sina Pangulong Marcos at dating Speaker Romualdez.
Nawalan nang saysay ang paulit-ulit na testimonya nina dating Department of Public Works and Highways Undersecretary Roberto Bernardo, dating Bulacan district engineer Henry Alcantara, at ng mag-asawang Discaya. Puro kasi hearsay ang kanilang testimonya, at halata rin na gusto nilang maisalba ang kanilang sarili kaysa sa lumabas ang buong katotohanan.
Sa lahat ng mga lumutang na testimonya, ang pinakamabigat at pinakamapanganib para sa administrasyon ay ang mga resibo ni Zaldy Co.
Ang INC at iba pang grupong sumama sa protesta ay kumakatawan sa sektor na madalas ay hindi man lang pinakikinggan. Madalas silang minamaliit ng political “elites.” Ngayong lumaki at dumami na ang kanilang boses, bigla naman silang inaakusahan ng destabilization. Paano naging destabilisasyon ang paghiling ng malinaw na paliwanag kung bakit bilyon-bilyong pondo ng flood control ang naglaho na parang bula? Paano naging paninira ang paghingi ng accountability mula sa mga opisyal na dapat sana ay naglilingkod, hindi nagpapayaman?
Sila na nga lang yata ang lumalaban upang lumabas ang katotohanan sa panahong pilit itong binabaluktot ng political machinery ni Romualdez at ng kanyang mga kaalyado. Habang sila ay nagtatanong “Nasaan ang pera?”, ang mga alipores ni Romualdez ay nagpapakalat ng fake narratives, at lumilikha ng mga kaaway para i-divert ang galit ng publiko.
Malinaw kung sino ang nasa panig ng katotohanan. Hindi iyong mga nagtatago sa drama, kundi ang mga lumalakad sa kalsada, bitbit ang tapang na maitama ang katiwalian at mapanagot ang mga tunay na may sala.






