WALANG saysay o bigat ang naging paratang ng Co-Magnanakaw o Co-Mag upang tuluyan nang madiin sa isyu ng pandarambong ang kapatid ni Manang.
Napatunayan ito nang tanggapin ang biglang pagbibitiw sa trono ng ilang matataas na opisyal na kasama sa eksena ng umano’y pandarambong batay sa naging kwentong kutsero raw ni Co-Mag na lalong nagpagalit sa publiko patungkol sa tinarantadong flood control projects.
Tandaan natin na ang unang tugon sa paratang ni Co-Mag ay isa lamang daw itong imahinasyon upang isalba ang kanyang sarili kaya pala ilang tulog lang natin ay nagbitiw ang ilan sa mga nabanggit sa kwento. Kasi nga, imahinasyon lang.
Pero biglang may umiyak na nagsabing hindi siya nagbitiw kundi pinagbitiw! Ibig sabihin, sinibak o pinasibat? Mali ito, maling-mali dahil wala naman katotohanan ang paratang ni Co-Mag na kathang-isip lang batay sa kanilang naging pahayag.
Nang dahil sa pangyayaring ito ay ‘lobo at kendi’ ang kailangan upang masiguro na ang mga sinibak ay manatili nilang kaalyado at kalmado para hindi magamit sa panawagan na pagbibitiw sa trono. Ang problema, latigo ng asunto ang pinabaon sa kanilang pag-alis. Kaya yan na, ‘umiyak’ na!
Tama, wasto, korek ang senador
Sa National Expenditure Program o NEP ay pwede nang gumawa ng ‘singit items’ kaysa naman sa Bicam – punto ng Senador kontra kwento ni Co-Mag.
Tama nga naman! Kasi sa NEP ay daraan ito sa masusing pag-aaral, komento o kritisismo ng mga mambabatas lalo ng mga maiingay na oposisyon samantalang sa Bicam ay ilang mambabatas lang ang nag-uusap sa loob ng saradong silid.
Wasto naman ang komento na mas makatotohanan sana ang paratang kung ginawa ang singit sa NEP dahil ngayon na itinuro ang Bicam kung saan nagkaroon ng singitan ng proyekto ay lusot ang kapatid ni Manang kasi mga piling-pili na mga mambabatas lamang ang bumubuo ng Bicam.
Korek ang obserbasyon na kung talagang totoo ang paratang ay bakit [daw] nag-Veto pabalik sa Bicam dahil sa ‘singit items’ pero nang pirmahan ito upang maging ganap na batas ay tinagurian itong pinaka-korap na badyet sa ating kasaysayan.
Kaya yung mga walang tigil sa pagpuna sa senador ay tumigil na sana dahil sadya naman tama, wasto at korek ang kanyang pananaw kontra sa paratang ni Co-Mag. Tandaan ninyo na noon pa man ay galit ang senador sa ‘singit items’ o kahit yung tawagin ay ‘pork barrel’. Hmmmp, di nga?






