MANILA, Philippines – Patuloy na pinaghahanap ang ikatlong biktima sa tatlong lalaking natabunan ng landslide nitong Huwebes, Nobyembre 20 sa Badduat, Kabugao, Apayao.
Ang landslide ay dulot ng malalakas na pag-ulan dahil sa northeast monsoon at shear line.
Ayon sa Apayao local government, narekober ang dalawa sa mga biktima sa kaparehong araw at dinala sa Kabugao town hall para sa dokumentasyon at paglilipat sa isang punerarya.
Hindi naman pinangalanan ang mga biktima habang hinihintay pang maipaalam ito sa mga kaanak.
Nauna nang inihanda ni Kabugao Mayor Bensmar Ligwang ang mga miyembro ng search-and-retrieval team, na binubuo ng disaster responders, soldiers, police, firefighters, at volunteers, bago magtungo sa Barangay Badduat.
Sa kabila nito ay pahirapan ang paghahanap sa ikatlong biktima dahil sa nagpapatuloy na malakas na ulan. RNT/JGC