MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Public Works and Highways na patuloy ang kanilang paglilinis sa kanilang hanay at hindi natatapos sa flood control project ang kanilang ginagawang imbestigasyon.
Ayon kay Highways Secretary Vince Dizon, iimbestigahan din nila ang mga reklamo kaugnay sa mga proyekto ng kagawaran sa nakalipas na taon tulad ng farm-to-market roads.
Hinihingi rin ng kagawaran ang pang-unawa at tiyaga ng publiko na naiinip nang may maparusahan.
Ayon kay Dizon, sinisiguro lamang nila para matiyak na matibay ang mga kasong isasampa at mapapanagot ang mga tunay na sangkot at responsable.
Dagdag pa, umuusad na ang proseso kabilang ang paghahain ng kaso ng Ombudsman sa Sandiganbayan, Preliminary Investigation sa DOJ ukol sa ghost projects sa Bulacan at pagbebenta ng mga puslit na luxury vehicles ng mga Discaya na pinaniniwalaang binili gamit ang pera mula sa flood control projects. Jocelyn Tabangcura-Domenden