Bulacan – Arestado ang babaeng wanted sa kasong “panggagahasa” sa bisa ng Warrant of Arrest (WOA) sa ikinasang joint manhunt operation ng mga awtoridad sa bayan ng Pulilan nitong Nobyembre 20.
Sa ulat ni PLTCOL Russel Dennis Reburiano, hepe ng Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU), kinilala ang “Maryang” akusado na isang 19 anyos, estudyante, residente ng Brgy. Sto Cristo.
Ayon sa ulat, isinilbi ang WOA ng tracker team ng PIU katuwang ang 1st Provincial Mobile Force Company at Pulilan police station bandang 7:40 ng gabi sa nasabing lugar.
Nabatid na ang WOA sa kasong Rape by Sexual Assault at Statutory rape ay nilagdaan ng Presiding Judge ng Regional Trial Court, Third Judicial Region, Malolos City, Bulacan na may nakatalagang piyansang P120,000.00 at P200,000.00.
Ipinaalam sa akusado ang kanyang mga karapatan alinsunod sa Saligang Batas hanggang sa dalhin sa PIU para sa maayos na dokumentasyon at disposisyon. Dick Mirasol III