Home OPINION BINIGYANG PAG-ASA NI OMB ‘BOSSMAN’

BINIGYANG PAG-ASA NI OMB ‘BOSSMAN’

298
0

KUMILOS na pala si Ombudsman Jesus Crispin ‘Bossman’ Remulla, at inasikaso na ang mga matagal nang “nakagarahe” na mga reklamo sa Office of the Ombudsman.

Sa mga nagdaang administrasyon kasi, “notoryus,” err, “kilala” ang Ombudsman sa “pag-ipit” sa mga reklamo sa simpleng dahilan na hindi nito kailangang magpaliwanag kahit kanino kung bakit inaabot ng ilang taon ang isang reklamo bago mabigyang pansin ng OMB. May kinalaman kaya rito ang ang sinasabing “parking business” ng ilang mga korap sa OMB?

Isa naman sa mga reklamong biglang “umusad” ay ang reklamo laban dito kay Department of Public Works and Highways Nueva Ecija First Engineering District Assistant Chief. Engr. Ferdinand Rollan Llamas.

Bandang buwan ng Abril, natalakay natin dito sa ating column ang reklamo laban dito kay LLamas hinggil sa kanyang kumpletong ‘daily time record’ noong estudyante pa siya sa kursong civil engineer kasabay ng kanyang trabaho sa Nueva Ecija Second Engineering District.

Ang tanong pa nga natin noon, “nahahati” kaya ang katawan nitong si Llamas at perpekto ang kanyang DTR kasabay ng pagpasok niya sa Nueva Ecija University of Science and Technology noong 2016?

Mula rin sa pagiging section chief, sumirit paitaas na parang kwitis ang ‘career’ nitong si LLamas at naging ‘ADE’ pa nga ng malipat sa First District. “Matind” rin siguro ang ‘MBA’ niya, as in ‘may backer ako!’

Oh yes, DPWH Secretary Vince Dizon at Undersecretary for Special Concern Charles Calima, mainam na lawakan pa ninyo ang “lambat” ng inyong imbestigasyon para matumbok ang mga opisyal at empleyado na hindi papasa sa inyong ‘standard of good governance.’

Sa tagal namang “kumain ng alikabok” ang reklamo sa termino ni Ombudsman Samuel Martires, nabigyang pag-asa ngayon ni OMB Bossman ang mga Novo Ecijano sa paghahanap nila ng katotohanan.

Sa nalaman pa natin, binigyan ng OMB ng limang araw ang Nueva Ecija Second Engineering District na isumite ang ‘certified record’ (under oath) ng DTR ni Llamas, ‘application for study leave’ at iba pang dokumentong may kinalaman sa kanyang pagtatrabaho doon.

Muli, bukas ang ating pitak sa paliwanag ni Engr. Llamas.

Abangan!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here