NAPAKABANGIS ang labanan sa pagitan ng Saudi Arabia at Houthi sa Northern Yemen.
Sumasama sa Saudi Arabia ang South Yemen habang pumapanig naman ang Iran sa mga Houthi.
Ayon sa mga ulat, kasama ang sa United Nations, may 377,000 nang patay simula noong 2015.
Mula sa bilang na ito, nasa 150,000 ang namatay sa labanan habang ang iba’y namatay sa gutom, maruming tubig at sakit.
Sa giyerang sumiklab simula nitong nakaraang buwan ng Agosto, nagbibilang ulit ang mga nasabing bansa ng libo-libong patay mula sa pinakakawalang missile, drone, bomba ng mga eroplano at sagupaan sa lupa.
1M PINOY NADADAMAY
Sinasabing aabot sa 1 milyon ang mga Pinoy/overseas Filipino worker sa Saudi Arabia, nasa mahigit lang 100 ang nasa North at South Yemen habang kulang-kulang sa 1,000 ang nasa Iran.
Wala pa tayong nababalitaang Pinoy/OFW na namatay sa giyera nitong nagdaang dalawang buwan.
Ngunit dumarami, lalo na sa Saudi Arabia, ang nababalitaan nating nawawalan ng hanapbuhay dahil sa pag-missile at pag-drone ng mga Houthi sa mga pasilidad ng langis at iba pang mga establisimyento ng Saudi Arabia.
Kabilang sa mga inaatake ng Houthi ang mga barko na may kaugnayan sa Saudi Arabia, mga pier nito sa Yanbu na malapit lang sa North Yemen na sakop ng mga Houthi.
Karaniwan ngayong target ng mga Houthi ang mga pasilidad ng langis na pag-aari ng Saudi-Aramco at pinakamalaking kompanya ng langis dito.
Nadadamay na rin ang iba pang mga establisimyento gaya ng mga paliparan sa Riyadh na capital city ng Saudi Arabia.
Apektado na ang mga Pinoy/OFW na nagtatrabaho sa mga ito, kasama ang mga nasa mga hotel, paliparan, pier, ospital at bahay-bahay.
‘Yun bang === mga construction worker, nurse, doktor, engineer, obrero sa mga hotel, restoran, kasambahay at iba pa.
NANGANGANIB SA BUHAY, MABALDA
Sa kwento ng mga Pinoy/OFW, alam nilang matindi ang giyera at marami ang nagtatrabaho malapit lang sa hangganan ng North at South Yemen at Saudi Arabia.
Sabi nila, sanay na silang mabomba o ma-missile o ma-drone o mabaril sa kanilang mga pinagtatrabahuhan.
Ngunit tanggap nila na anomang araw o gabi, may mamamatay sa kanila o mabalda kung matatamaan sila ng mga bomba, missile, drone at bala ng baril.
May higit na nangangamba sa pagkawala ng kanilang hanapbuhay bilang mga obrero.
Ang pangamba ay hindi lamang para sa kanila na naroroon kundi dahil sa kanilang mga pamilya na iniiwan nila sa Pinas para mabuhay sa remittance o padala.
‘Yun bang === paano kung matitigil sila sa paghahanapbuhay, paano ang mga padala nila para sa pagkain, pag-aaral, pagpapagamot ng mga maysakit, hulugang bahay, buwanang bayad sa kuryente at tubig at marami pang iba?
Hindi nga magaan at biro-biro ang mga konsiderasyong ito kaya sila naroroon sa mga mapanganib na lugar at nagpupusta ng buhay at kalusugan.
KALINGA NG PAMAHALAAN
Nasaan nga pala ang paghahanda ng pamahalaan upang kalingain ang mga bayani nating nasa 1 milyon sa nasabing mga bansa na nahaharap sa digmaan at posibleng sa gutom at paghihirap para sa marami sa kanila?
Nasaan ang mga pondo at agarang pagkilos para sa pagbabakwit, ayuda sa kanilang pagbalik sa bansa at ayuda rin sa milyones ding mga miyembro ng pamilya nila?






