PRAÑAQUE CITY, Philippines – Inaresto ng mga awtoridad ang dalawang Chinese ex-Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) workers dahil sa pangingikil sa isinagawang entrapment operation sa Parañaque City.
Ayon sa ulat, isinagawa ang entrapment matapos sabihin ng isang Chinese complainant na nakatanggap siya ng larawan mula sa mga suspek na nagpapakitang nakagapos ang kanyang kaibigan sa harap ng Parañaque Police Station.
Sinabi ng complainant na dalawang beses nang humingi ng pera ang suspek, at nakapagbigay ito ng humigit-kumulang P50,000 para mapalaya ang kaibigan.
Gayunpaman, nagsimula siyang magduda sa mga suspek nang hingan siya ng pera sa ikatlong pagkakataon.
“Yung pangatlong hingi na ng suspek ay nagduda na ang complainant at nag-chat siya, through his friend sa Parañaque Police Station, kung mayroon ba talagang nahuli na Chinese national, and he found out na wala,” ayon kay Southern Police District Director Police Brigadier General Randy Arceo.
“Yung mga nahuling suspek ay kakasuhan ng robbery-extortion dahil yung kanilang paghingi ng pera ay mayroong threat,” aniya.
Wala pang pahayag ang mga suspek, ngunit lumabas sa isinagawang imbestigasyon ng PNP na isa sa kanila ang itinuring na pugante sa China dahil sa pagkakasangkot nito sa credit card fraud. RNT/MND