MANILA, Philippines – Binigyan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla si dating Ako-Bicol Partylist representative Zaldy Co at 17 pa nitong co-accused nang hanggang Lunes para sumuko.
Sa panayam, sinabi ni Remulla na naghihintay pa ang DILG sa kopya ng warrants upang mai-draft nito ang memorandum na mananawagan sa pagsuko niya hanggang Lunes.
“[The memorandum] will state na bibigyan namin kayo hanggang Lunes na mag-surrender sa pinakamalapit ahensya ng gobyerno at magpakita, para maiharap namin. Otherwise, sila hahanapin namin,” ani Remulla.
“Kasi kung sila po ay magtago, then we will consider them fugitives of justice. ‘Pag sila po magpakita ng konting aggressive maneuvers or evasive maneuvers, baka magpapasensyahan kami. Ako, mabigat po kamay ko sa ganyan,” dagdag pa nito.
“Gagamit ako po ng bigat ng batas niyan para makuha sila.”
Ibinahagi ni Remulla na ang implementasyon ng warrant laban kay Co at co-accused nito ay joint implementation sa pagitan ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI).
Nauna nang siniguro ng PNP na ipatutupad nito ang warrants nang naaayon sa batas at ipatutupad na may due process.
Samantala, hinimok din ng NBI si Co na sumuko na at “while dignity is still a choice and not a consequence.” RNT/JGC