MANILA, Philippines — Patuloy ang panawagan ng hustisya mula sa pamilya ng mga biktima ng Maguindanao massacre, 16 na taon matapos ang karumal-dumal na insidente.
Ayon sa Center for International Law (CenterLaw), magsasampa sila ng urgent motion sa Court of Appeals (CA) upang pabilisin ang pagresolba sa nakabinbing apela, kabilang ang pagkilala kay Reynaldo Momay, ang ika-58 biktima na isang mamamahayag.
Sinabi ni Atty. Gilbert Andres, executive director ng CenterLaw at abogado ng 19 na pamilya, na napapagod na ang kanilang mga kliyente sa matagal na paghihintay habang hindi pa rin nireresolba ng CA ang usapin.
May ilang aksyon ang korte, kabilang ang pagtanggi sa mosyon ni dating Maguindanao Gov. Zaldy Ampatuan para magprisinta ng karagdagang ebidensya, pagtanggi sa piyansa ni Police Officer Bahnarin Kamaong, at pag-atras ng apela ng isa pang akusado. Gayunman, mula pa noong Marso 2025 ang huling resolusyon at hindi pa rin naisusumite para pinal na pagdedesisyon ang buong kaso.
“It’s very clear that the families… are still suffering,” ani Andres, na sinabing nais na ng mga pamilya ng kahit anong desisyon mula sa CA basta magkaroon na ng closure.
Binigyang-diin niya na ang Disyembre 2019 ruling ng Quezon City RTC ay “not full justice,” kaya humingi ang mga pamilya ng tulong mula sa media groups para sa “final push for justice.”
Kaugnay kay Momay, may nakabinbin pa ring mosyon para kilalanin siya bilang opisyal na biktima, bagay na masakit para sa pamilya dahil hindi lang hindi siya kinilala kundi hindi pa rin natatagpuan ang kanyang mga labi.
Nanawagan din si Andres na ibigay ng pamahalaan ang matagal nang ipinangakong financial compensation para sa lahat ng biktima, bilang obligasyon ng bansa sa ilalim ng international law.
“Sixteen years is far too long… Full justice must not only be promised — it must finally be delivered,” aniya. RNT/JGC