MANILA, Philippines – Patay ang isang motorcycle rider matapos itong sumalpok sa isang ambulansya sa M.J. Cuenco Avenue, Barangay Carreta, Cebu City.
Ang insidente ay nangyari alas-4 ng umaga noong Huwebes, Nobyembre 20.
Kinilala ang biktima na si Richard Campoy Estrada Jr., 35 anyos at residente ng Barangay Ermita, Cebu City.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang ambulansya at drayber nito na umalis matapos ang insidente.
Batay sa imbestigasyon ng Traffic Enforcement Unit ng Cebu City Police Office, binabagtas ng motorsiklo at ambulansya ang magkaibang direksyon.
Nakita sa CCTV footage na ang motorsiklo ay bumibiyahe mula Carreta Elementary School sa General Maxilom Avenue, at tumatawid sa M.J. Cuenco Avenue, habang nakapwesto sa outer lane.
Tumuloy ang motorsiklo sa go signal.
Samantala, ang ambulansya naman na mula sa Carreta cemetery patungong General Maxilom Avenue, ay naka-stop signal, at kumaliwa sa M.J. Cuenco Avenue.
Umabot sa junction box ng intersection ng dalawang avenue ang ambulansya, habang nakabukas ang blinker at kakaliwa na sana.
Sa kabila nito ay hindi nakahinto agad ang motorsiklo at nagpang-abot. Sa kabila ng pagsubok na ihinto ang motorsiklo ay inabot pa rin nito ang ambulansya.
Dahil sa impact ng banggaan ay tumilapon ang rider sa kalsada.
Sinubukang suriin ng drayber ng ambulansya ang biktima ngunit kalaunan ay bumalik sa sasakyan at umalis na.
Matapos ang insidente ay tumanggi ang rider na dalhin sa ospital ngunit sa kasunod na araw ay iniulat na lamang na nasawi na ang rider.
Nagsasagaw na ng follow up operation ang mga awtoridad para matukoy ang drayber ng ambulansya. RNT/JGC