MANILA, Philippines — Nais ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ipatupad ang mas mahigpit na pamantayan sa financial reporting at audit oversight ng payment systems operators upang mapataas ang kalidad at integridad ng impormasyong ginagamit para sa regulasyon at pagpapasya ng mga mamumuhunan.
Sa draft circular na kasalukuyang pinangangalap ng komento mula sa industriya hanggang Disyembre 12, layon ng BSP na palakasin ang financial reporting ng mga operator tulad ng mga bangko, e-wallet providers, at payment gateways na nagpoproseso ng electronic fund transfers.
Sa ilalim ng panukala, obligadong magsumite ang mga licensed operators ng annual financial statements na naglalaman ng kanilang balance sheets sa loob ng 120 araw matapos ang pagtatapos ng calendar year o fiscal year ng kompanya. Kakailanganin din nilang kumuha ng external auditor mula lamang sa listahang aprubado ng BSP.
Para naman sa mga kompanyang nakabase sa ibang bansa, kailangan nilang ipatupad ang parehong antas ng disclosure requirements at sundin ang katumbas na regulasyon ng mga awtoridad sa kanilang hurisdiksyon.
Hindi saklaw ng mandatory external audit ang mga government-owned o -controlled operators na nasa ilalim din ng Commission on Audit (COA).
Gayunman, maaaring mag-utos ng external audit ang Monetary Board kung makitaan ng seryosong kahinaan o paglabag sa internal controls o risk management systems.
Kapag kukuha ng external auditor, kailangan sundin ng operators ang mga alituntunin sa rotation at pag-iwas sa conflict of interest.
Inaatasan din ang auditors na ireport sa BSP sa loob ng 15 araw ang anumang matuklasan nilang isyung maaaring makaapekto sa kondisyon o katatagan ng operator kabilang ang fraud, posibleng pagkalugi, material breaches at seryosong governance issues.
Ipapataw ang penalidad sa sinumang operator na hindi susunod sa mga bagong requirement. Maaari ring ibaba o tanggalin ng BSP mula sa listahan ang external auditor na lalabag sa mga patakaran.
“The Bangko Sentral recognizes the importance of financial reports and disclosures in the conduct of effective supervision and in sustaining public and stakeholder confidence,” ayon sa BSP, na sinabing ang bagong regulasyon ay para itaguyod ang transparency, fairness at accountability sa financial reporting. RNT/JGC