MANILA, Philippines – Inilikas ng mga awtoridad ang mga residente ng Tuguegarao City at bayan ng Sanchez Mira at Camalaniugan sa Cagayan matapos na umapaw ang mga ilog at bahain ang mga low-lying areas dahil sa malalakas na ulan dulot ng
shearline at northeast monsoon.
Ayon kay Sanchez Mira Mayor Abraham Bagasin, sinimulan ng disaster responders ang forced at preeemptive evacuation sa mga barangay ng Labbeng, Baleg and Taguipuro at Sitio Pataga ng Santiago.
Sa Pataga, gumamit pa ang mga rescuer ng rubber boat dahil hindi na marating ang ilang lugar dahil sa mataas na baha.
Nasa 84 pamilya o 297 indibidwal naman ang tumutuloy sa evacuation center sa Tuguegarao City matapos na umapaw ang Cagayan at Pinacanuan Rivers, na nagpalubog sa low-lying areas sa Barangay Annafunan East.
Pinangunahan ng Coast Guard District North Eastern Luzon Team Alpha at Team Bravo members ang paglilikas.
Samantala, sa Camalaniugan town ay ipinatupad ni Mayor Isidro Cabaddu ang forced evacuation ng mga residente sa mga binahang komunidad na malapit sa umapaw na Cagayan at Pinacanauan Rivers. RNT/JGC