MANILA, Philippines – Hindi mahulugang karayom ang mga taong sumaksi sa pagpapailaw sa plaza ng Gapan City, Nueva Ecija nitong Sabado ng gabi.
Bago binuksan ang mga naggagandahang ilaw, binasbasan muna ang life size belen na kapanganakan ng Panginoong Hesukristo na sumisimbolo sa Kapaskuhan.
“Huwag nating kalilimutan na ang selebrasyong ito ay hindi lang basta kantahan at may bonggang ilaw, ito ay pagpapaalala po sa atin ng kapanganakan ng Panginoong Hesus Ipagpasalamat po natin sa Panginoon kung bakit tayo naririto po ngayon.Sana po ‘wag nating kalilimutan ‘yan,” ayon kay Mayor Emary Joy Pascual ng Gapan City.
“Nandito na naman po tayo sa tradisyon natin na pailaw o lighting ceremony ng Christmas Festival sa Lungsod ng Gapan. Napakaswerte po natin dahil sa Mayor Joy ay ipinagpatuloy at hinigitan ang dati na nating ginagawa. Tuloy-tuloy lang po ang ating dekalibreng serbisyo,” Sabi naman ni Rep. Emerson “Emeng” Pascual, 4th district Nueva Ecija.







