Home NATIONWIDE Kaso ng dengue bumaba ng 8%

Kaso ng dengue bumaba ng 8%

220
0

MANILA, Philippines — Bumaba ng 8 porsiyento ang naitalang dengue cases mula Oktubre 12 hanggang 25, ayon sa Department of Health (DOH), ngunit nanawagan pa rin ang ahensya ng dagdag na pag-iingat lalo’t marami pang lugar ang apektado ng pagbaha.

Ayon sa DOH, 14,038 kaso ang naitala sa nasabing panahon, mas mababa kumpara sa 15,182 kaso mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 11.

Babala ng health officials, maaaring magdulot ng panibagong pagdami ng lamok ang mga iniwang breeding sites matapos ang pananalasa ng bagyong Tino at Uwan.

Kabilang sa mga karaniwang pinangingitlugan ang mga lalagyang napuno ng tubig mula sa baha tulad ng sirang gulong, paso at basurahan, na pabor sa Aedes aegypti, ang pangunahing tagapagkalat ng dengue.

Muling ipinaalala ng DOH ang “Taob, Taktak, Tuyo, Takip” strategy para sa household protection: itapon ang nakatenggang tubig, kuskusin ang mga lalagyan, panatilihing tuyo, at takpan nang maayos.

Hinikayat din ang agarang pagpapakonsulta sa mga indibidwal na nakararanas ng lagnat, rashes, pananakit ng katawan at kalamnan, eye pain, pagkahilo at pagsusuka.

Mahalaga ang aktibong partisipasyon ng komunidad upang maiwasan ang pagtaas muli ng dengue cases matapos ang mga bagyo, ayon sa DOH. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here