MANILA, Philippines – Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang seremonyal na panunumpa sa tungkulin ni Atty. Douglas Michael N. Mallillin bilang bagong Tagapangulo ng Commission on Audit (COA).
Si Mallillin ay isang batikang abogado at Certified Public Accountant (CPA) na dating nagsilbi bilang Komisyoner ng COA.
Taglay niya ang malawak na karanasan sa larangan ng pag-audit, pamamahala sa pampublikong sektor, at mga usaping legal.
Sa kanyang pag-upo bilang pinuno ng Komisyon, muling binibigyang-diin ng pamahalaan ang kahalagahan ng pangangalaga sa bawat pisong pondo ng bayan at pagtitiyak na ang mga yaman ng pamahalaan ay pinamamahalaan nang maingat, wasto, at nagagamit para sa kapakanan at ikabubuti ng sambayanang Pilipino.
Samantala dahil dito, muling pinagtibay ng pamahalaan ang pangako nito sa pagtataguyod ng transparency at pananagutan sa paglilingkod-bayan.
Sa kabilang dako, pinangunahan din ni Pangulong Marcos ang panunumpa sa tungkulin ni Ma. Angela E. Ignacio bilang bagong Pangulo at Punong Ehekutibo (President and Chief Executive Officer) ng Maharlika Investment Corporation (MIC).
Dati nang nagsilbi si Ignacio bilang Undersecretary ng Kagawaran ng Pananalapi (Department of Finance) at ng Tanggapan ng Espesyal na Katulong ng Pangulo para sa Pamumuhunan at mga Usaping Pang-ekonomiya (Office of the Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs).
Inaasahang pangungunahan niya ang Korporasyon sa responsable at maingat na pamamahala ng mga pamumuhunan at paglikha ng pangmatagalang halaga na susuporta sa pambansang kaunlaran at magbubukas ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipino. (KRIS JOSE)