Home TOP STORIES Estratehiya ng AFP, patunay na ‘di susuko Pilipinas sa pang-aapi ng Tsina

Estratehiya ng AFP, patunay na ‘di susuko Pilipinas sa pang-aapi ng Tsina

243
0

HABANG lumalala ang agresyon ng Tsina sa West Philippine Sea (WPS), nagpahayag si Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia na ang Pilipinas ay patuloy na naninindigan at hindi susuko sa anumang uri ng panggigipit o pananakot.

Ayon kay Goitia, mas pinaigting ng Pilipinas ang depensa nito kung saan bilang tugon ay inilunsad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang apat na pangunahing hakbang upang protektahan ang soberanya, pangalagaan ang karapatang pandagat, at ipagtanggol ang isang rules-based international order.

Ayon pa kay Goitia, may apat na estratehikong inisyatiba ng AFP kung saan ang una ay ang kanilang tuloy-tuloy na presensya at patrol sa WPS, bilang malinaw na pagpapakita ng soberanya sa gitna ng agresibong galaw ng Tsina.

Ikalawa, pinalalawak ng Pilipinas ang kooperasyon sa Allies at Partners sa pamamagitan ng joint patrols, maritime exercises, at diplomatikong koordinasyon.

Ikatlo, ginagamit ng AFP ang mabilis na paglalabas ng impormasyon, matibay na ebidensyang nakadokumento, at pagpapalakas ng boses sa international media upang ilantad ang mga paglabag ng Tsina at salungatin ang mga pekeng naratibo.

Ayon kay Goitia, ang katotohanan ang pinakamabisang sandata:
“Walang kasinungalingang nakakatagal kapag nasinagan ng katotohanan. Kapag nakita ng mundo ang tunay na pangyayari, kusang bumabagsak ang mga panlilinlang.”
Malaking tulong ang transparency sa paglikha ng malawakang suporta mula sa iba’t ibang bansa.

Ikaapat, ipinatutupad ng buong bansa ang isang whole-of-nation approach, kung saan nagtutulungan ang mga ahensya ng pamahalaan, civil society, pribadong sektor, at komunidad upang labanan ang ilegal, mapanupil, agresibo, at mapanlinlang na taktika ng Tsina, kabilang ang cyber intrusions, influence operations, at political interference.

“Sa oras na magkaisa ang buong bayan, hindi tayo kayang pabagsakin ng anumang puwersa mula sa labas,” giit ni Goitia.

Ayon pa kay Goitia, mula sa paglikha ng militarized artificial islands hanggang sa agresibong pagbangga at pagharang sa mga barko ng bansa, malinaw umano na nilalabag ng Tsina ang international law at ginugulo ang katatagan ng rehiyon.

Pinuri naman ni Goitia ang AFP sa epektibong paggamit ng transparency, pakikipag-alyansa, at pambansang pagkakaisa upang ilantad ang agresyon ng Tsina at palakasin ang posisyon ng Pilipinas.

Ipinapakita aniya ng pinalakas na estratehiya ng AFP ang isang bansang handang ipagtanggol ang kinabukasan nito.

Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng apat na civic oriented organizations:
Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD),
People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER),
Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at
Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement,
kung saan itinataguyod niya ang katotohanan, katatagan, at dangal ng sambayanang Pilipino. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here