Home NATIONWIDE Puganteng Chinese, 15 iba pang Chinese nationals arestado sa raid ng BI...

Puganteng Chinese, 15 iba pang Chinese nationals arestado sa raid ng BI sa condo unit

259
0

MANILA, Philippines – Arestado ng mga awtoridad ang high-profile na puganteng Chinese sa isang condominium unit sa San Miguel, Manila kasama ang 15 iba pang Chinese national na hindi nakapagpakita ng valid identification at immigration documents, ayon sa Bureau of Immigration (BI) nitong Lunes, Nobyembre 24.

Ipinatupad ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI ang raid kasama ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP) noong Biyernes sa condominium sa Casal Street.

Nagresulta ang raid sa pagkakaaresto ng 38-anyos na Chinese national na wanted sa bansa nito sa major economic crimes.

Nahaharap ang suspek sa active detention warrant na inisyu ng Quanzhou Public Security Bureau noong 2019.

Nakakulimbat umano ito ng mahigit CNY 3 million mula sa isang Chinese company habang nagsisilbing shareholder at legal representative.

Ang mga ninakaw na pondo ay ginamit sa personal na pangangailangan kabilang ang pagbili ng investment at pambayad ng utang sa credit card. Ito ay itinuturing na grave economic offenses sa ilalim ng batas sa China.

Idinagdag pa ng BI na ang lugar kung saan naaresto ang puganteng Chinese ay nagpapakita ng indikasyon ng hinihinalang fraud syndicate matapos makita ang ilang gadget at electronic devices consistent na kapareho ng ginagamit sa online fraud o illicit digital operations.

Sa naturang raid, natagpuan din ng mga awtoridad ang 15 pang Chinese national na bigong makapagpakita ng valid passport at lehitimong immigration documents.

Ayon kay BI commissioner Joel Anthony Viado, hinihinala nilang ang lugat kung saan naaresto ang mga dayuhan ay “a supplier of gadgets to be used by scam hubs.”

“This administration has zero tolerance for foreign criminals who treat the Philippines as a sanctuary. Through the expertise of our FSU operatives and the support of law-enforcement partners, we will continue to track, arrest, and remove fugitives and dismantle scam hubs that threaten our communities and national security,” dagdag ni Viado.

Nahaharap sa deportation cases ang lahat ng 16 na dayuhan sa paglabag sa immigration law ng bansa at mananatiling nasa kustodiya ng BI hanggang sa mapauwi sila sa China. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here