Home NATIONWIDE Lalaking titser pinatay, suspek may pagnanasa sa kanyang misis

Lalaking titser pinatay, suspek may pagnanasa sa kanyang misis

351
0

MANILA, Philippines – Patay ang isang 39-anyos na Senior High School teacher makaraang pagbabarilin habang nakikipag-iinuman sa kanilang kapitbahay sa Barangay Poblacion Sur, Talavera, Nueva Ecija nitong Sabado ng gabi.

Ayon sa pulisya, natuklasan nila sa pagsisiyasat na ang isa sa salarin ay sinasabing matagal nang may pagnanasa sa asawa ng biktima.

Kinilala ang biktima na si Reynan Tiangco, guro sa Talavera National High School at residente ng Barangay Poblacion Sur.

Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nakikipag-inuman ang biktima sa kanyang mga kapitbahay nang bigla na lamang pumasok ang isa sa dalawang suspek na nakasuot ng itim na jacket at nakahelmet saka pinaputukan nang ilang beses si Tiangco.

Nang makitang bumulagta ang biktima ay agad na tumakas ang mga salarin, sakay ng motorsiklo.

Isinugod sa Talavera General Hospital ang biktima subalit idineklarang dead on arrival ng mga doktor.

Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ng scene of the crime operatives o SOCO ang mga basyo ng bala.

Ayon sa pamilya ng biktima, sunod-sunod na putok ng baril ang kanilang narinig at paglabas nila sa bahay ay nakita na lamang na duguang nakabulagta ang guro.

Sinabi ng asawa ng biktima na wala siyang alam na kaaway ng mister kaya palaisipan kung bakit brutal itong pinatay ng mga salarin.

Hustisya ang kanyang hiling para sa pinaslang na asawa.

“Gusto namin ng hustisya sa asawa ko at mapanagot ang gumawa nito sa kanya dahil sobrang sakit. Kung makikita nyo po kasi ‘yung katawan ng asawa ko sobrang daming butas. Kawawang-kawawa po talaga ‘yung asawa ko, hindi n’ya deserve ‘yung ganung klaseng pagkamatay,” anang ginang na si Annie.

Nitong Linggo, isang 52-anyos na magsasaka na dating kagawad ng Barangay Mabuhay, Talavera ang sumuko sa pulisya matapos malamang na isinasangkot siya sa krimen.

Batay sa imbestigasyon, positibo siyang itinuro ng mga saksi na isa sa dalawang suspek na nakitang umaaligid sa lugar, sakay ng motorsiklo, bago ang pamamaril.

Lumalabas sa pagsisiyasat na may matinding pagnanasa umano ang magsasakang suspek sa maybahay ng guro na siyang pinaniniwalaang motibo sa krimen.

“Batay sa mga witness natin doon sa area, nalaman natin na itong suspek ay involved dun sa nangyaring shootint incident. Meron tayong eyewitness na nakakita sa kanya na siya ‘yung driver ng gunman at nag-match ang description sa kanya,” sabi ni LtCol. Rogelio L. Pacificar, hepe ng Talvera Police Station.

Todo-tanggi naman ang suspek sa mga alegasyon laban sa kanya ngunit aminado siyang dati nang naharap sa kasong frustrated homicide.

Sumuko lang daw siya sa PNP para linisin ang kanyang pangalan.

“Actually itong suspek natin ay isang magsasaka sa barangay nila, kaibigan nya itong victim at ang tinitingnan nating motive ay ‘yung interes n’ya sa asawa ng biktima,” ani Pacificar.

Sinampahan na ng kasong murder ang suspek habang patuloy na pinaghahanap ang kasama niya na itinuturong gunman. MARINA BERNARDINO-SY

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here