MANILA, Philippines – Nagsagawa ng malinaw na pagpapahayag ng suporta kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy ang ilang party-list groups at mga mambabatas mula sa Visayan Bloc sa harap ng lumutang na usap-usapan tungkol sa posibleng pagpapalit ng liderato sa Kamara.
Nasa 44 miyembro ng Party-List Coalition Foundation, Inc. (PCFI) ang lumagda sa manifesto bilang pagpapakita ng kanilang suporta kay Dy.
“We, the Members of the Party-List Coalition Foundation, Inc. (PCFI) of the 20th Congress, express our continuous and unwavering support to Speaker Faustino ‘Bojie’ G. Dy III as the leader of the House of Representatives,” nakasaad sa manifesto.
“As the collective voice of the party-list representatives advocating for the marginalized and underrepresented sectors of our nation, the PCFI values leadership that promotes inclusivity, stability, and genuine collaboration,” dagdag pa dito.
Ayon sa PCFI, mas kailangan ng Kamara ang matatag at nagkakaisang liderato sa harap ng kinahaharap nitong mga kontrobersiya. “We recognize Speaker Bojie Dy’s consistent efforts to promote dialogue, reduce tensions, and foster a collaborative atmosphere among members of the House—even during moments of political strain,” ani PCFI.
Kasabay nito, nilinaw ni Visayan Bloc Head at Bacolod Rep. Albee Benitez na nanatiling suportado ng kanilang mga miyembro ang pamumuno ni Dy. Ang Visayan Bloc sa Kamara ay mayroong 45 miyembro.
“It was a face-to-face meeting with Speaker to discuss some concerns of bloc members. It is also an affirmation of the Visayan Bloc’s full support of Speaker Dy’s leadership,” pahayag ni Benitez.
Ukol sa lumabas na balita na papalitan si Dy bilang House Speaker, sinabi ni Benitez na hindi ito mangyayari. “Speaker Dy enjoys the trust and confidence of House members. Any attempt will be futile,” giit niya.
Sa isyung si dating House Speaker at Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo, na kilalang kaalyado ni Vice President Sara Duterte, ang maaaring pumalit kay Dy, sinabi ni Benitez na suportado ng dating House Speaker ang pamumuno ni Dy.
“Personally had a chance to talk to Congressman Arroyo and she is supporting Speaker Dy,” pag-amin niya.
Ang pagpapalit ng liderato sa Kamara ay umugong matapos ang sinasabing pagpupulong ng mga Duterte Diehard Supporters (DDS) na dinaluhan umano ng mga kaalyadong mayors at iba pang opisyal ng gobyerno, kung saan isa sa naging agenda ng pulong ay kumbinsihin umano ang kanilang mga congressman na palitan si Dy.
Wala pang pahayag ukol sa nasabing ulat si Arroyo, habang si Antipolo Rep. Ronaldo Puno, na isa rin sa sinasabing papalit kay Dy, ay nagsabing walang katotohanan ang nasabing isyu. Gail Mendoza