Manila, Philippines – Pinag-aaralan ng Senado ang paghahain ng panukalang batas na maghihigpit sa paggamit ng artificial intelligence (AI) sa bansa, ayon kay Senador Win Gatchalian.
Sa deliberasyon ng budget ng Department of Information and Communication Technology (DICT) nitong Martes, sinabi ni Gatchalian na dapat nang higpitan ang paggamit ng AI dahil sa posibleng pinsalang maidudulot nito kung gagamitin sa masamang layunin.
“Kailangang magkaroon ng regulasyon sa paggamit ng AI. Kung gagawa ka ng videos o mga larawan gamit ang AI, dapat may accountability at kailangang i-disclose na gumamit ng AI. Sa panahon ngayon na patuloy na umuunlad ang teknolohiya, napakahirap nang ma-detect kung AI o hindi,” ani Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Finance.
Aniya, ang lumalawak na paggamit ng AI ay maaaring magpalala ng disinformation, magdulot ng hidwaan sa lipunan, at humina ang tiwala ng publiko.
“Napakadelikado nito lalo na’t ngayon kahit sino ay puwede nang maging AI artist. Kailangan nating pag-aralang mabuti at seryosohin ang teknolohiyang ito,” pagbibigay diin niya.
Sinabi rin ni Gatchalian na aktibong kumikilos ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa pagtanggal ng mga deepfake AI clips. Gayunpaman, mahalaga ang matatag at angkop na batas upang ma-regulate ang paggamit ng AI sa bansa. Ernie Reyes